Sandro Marcos bumuwelta sa mga pahayag ni Sara

by Rodel Fernando
 
BINASAG na ng presidential son at Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang kanyang katahimikan at rumesbak kaugnay ng mga kontrobersiyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte. 

Kasunod ito ng mga pagbatikos ni Duterte, na inihayag niyang naisipang pugutan ng ulo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagbantang hukayin ang labi ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang itapon sa West Philippine Sea (WPS), nagpahayag si Rep. Marcos ng kanyang opinyon.
Sa isang inilabas na statement, sinabi ni Sandro Marcos na nanahimik siya bilang respeto sa mandato at responsibilidad ng Pangalawang Pangulo. Gayonman, idiniin niyang bilang anak, hindi niya kayang manahimik sa gitna ng mga banta laban sa kanyang ama at sa mga pahayag na naglalayon ng panghihiya sa mga yumaong mahal sa buhay.

“I cannot stay silent while she threatens to exhume a former president and behead an incumbent one," ani Rep. Marcos.

Dagdag pa niya, "Her bizarre temper tantrum has been condemned by a nation horrified from such displays of insensitivity towards the dead and cruelty to the living.” 

Tinawag rin ni Rep. Marcos ang tila "pagwawala" ni Duterte bilang isang posibleng uri ng self-therapy na ginawa ng Pangalawang Pangulo para sa sarili. 

“Going ballistic was perhaps the self-therapy she prescribed for herself,” aniya pa. 

Subalit, binigyang-diin niyang lumagpas na ito sa linya ng tuwid na mga katwiran. "But she crossed the line, leaving the civic and civil space in which disagreements can be rationally argued," wika pa ni Rep. Sandro. 

Sa kabila ng mga tirada ni Duterte, binigyang-diin ng batang Marcos na hindi sumagot ang kanyang ama, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at hindi nagpakita ng kahit anong indikasyon ng pagtugon o pagbatikos sa mga pahayag ng Pangalawang Pangulo. 

Ang kontrobersya sa pagitan ng dalawang mataas na opisyal ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko, habang nananatiling tahimik si Pangulong Marcos Jr. sa isyu.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Debut single ni Yza Santos na "Misteryo," inilabas na!

Magic Voyz, bagong kagigiliwang all male group

Ladine Roxas Saturno, masaya sa pagbabalik sa music industry